Friday, November 13, 2009

Makulay ang Gabi sa Maynila - isang tula na mas pinaganda

yeah, that last one i did sucked like..something that sucks. pano pa kaya yun tatanggapin sa lit folio?! kaya binago ko, mas maganda naman siguro ito.


MAKULAY ANG GABI SA MAYNILA
NI: geronimo martinez

akala natin, pagdating ng gabi
hudyat ng laganap na kadiliman
ngunit kung ika'y mapadaan sa Maynila
ang gabi doon, matingkad na pula

tila anino ng lumalagablab na apoy
na tumutupok sa kung saang ibayo
nagmistulang bahid ng sariwang dugo
umagos mula sa sugat ng langit

diretso lang ang tingin kaibigan
huwag lilingun-lingon habang naglalakad
sa lungsod, pati ang ilaw ay may anino
lahat ng bagay may tinatagong kulay


tignan mabuti lahat ng gumagalaw
kahit na ang mga sawimpalad sa tabi
kung mayroon ngang puting tupang nawawala
mayroon ding lobong nagbalat-kayong kawawa


tila nagpupumiglas sa bagot ng langit
matinkgkad at dilaw, kumukutitap na bituin
makikita mo ba ang kay-liwanag nilang ngiti,
sa likod ng usok na tila ulap at ulan sa paningin?


huwag dumako sa silong na madilim
kung saan kahit bughaw na dugo'y itim na rin
walang makaririnig o dudulog sa iyong pagsigaw
walang pintuang magbubukas-palad nang libre

dinig ang bawat yabag sa kulay abong eskinita
umaalingawngaw ang bawat tapak sa sementong sahig
maririnig kung biglang may nagmadali ng lakad
sasabay dito ang tibok ng iyong pag-aalanganin


bughaw,
(dug dug)
Pilipinas,
(dug dug)
pula,
(dug dug)
Maynila,
(tak, tak, tak)
dilaw,
(tak tak tak tak tak)
Pilipino,
(taktaktaktak...tak, tak tak)
puti,
(dug..)
ilaw
(dug...dug...)
gabi,
(......)
itim

tuwing naglalakad ka sa lungsod at nag-iisa
huwag ka matakot sa iyong hindi makita
mas mag-ingat sa mga kulay ng paligid
at sa mamang may patalim na sumusunod sa iyo.