MAKULAY ANG GABI SA MAYNILA
NI: geronimo martinez
akala natin, pagdating ng gabi
hudyat ng laganap na kadiliman
ngunit tuwing ika'y nasa pusod ng inang bayan
ang gabi ay matinkad na pula
tila anino ng lumalagablab na apoy
na tumutupok sa kung saang ibayo
nagmistulang bahid ng sariwang dugo
umagos mula sa sugat ng langit
tama ang pangitain ni santa lucia
nakinig kaya ang taong bayan sa salita?
hindi mo kailangan ng armas sa digmaan
sapat na ang gutom, kadungisan, at kahirapan
tuyo ang puso at mapapakukunat ang noo
tuwing nakikita ang mga sawimpalad sa tabi
hindi mo alam kung sila'y puting tupa ng Ama
o kung tinatago ang pangil ng itim na lobo
huwag titigan ang mga bituin kung makasisilip
baka mabulag sa paparating na ilaw sa lupa
humaharurot na mga ilaw sayo'y magpapasalangit
ang dilaw ng bituin ay di nanggagaling sa dyip
ngunit huwag rin dumako sa silong na madilim
kung saan ang bughaw na anino'y itim na rin
walang makaririnig o dudulog sa iyong pagsigaw
harapin man ang saradong pintuan ng husgado
dinig ang bawat yabag sa kulay abong eskinita
umaalingawngaw ang bawat tapak sa sementong sahig
maririnig kung biglang may nagmadali ng lakad
sasaby dito ang tibok ng iyong pagaalanganin
sa mauulit, mag-ingat sa pagtawid ng kalsada
kung saka-sakaling papunta ka sa P.Faura
ang mga kulay ng Maynila'y huwag gaano alalahanin
baka ang holdaper sa likod mo'y di agad mapansin.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment