Saturday, September 8, 2007

Ang Diyos ay Hustisya, Musmos ang Kanyang Huwes (God is Justice, a child is His Judge)

Yey! new short story! Enjoy!. I hope it's good. it's a litt entry. All about how a kid views the things adults do, and about jose sidewalk clearing operations of the MMDA.


Ang Diyos ay Hustisya, Musmos ang Kanyang Huwes

Ni: Geronimo Martinez

Masaklap na trabaho ang aking kinabagsakan sa MMDA. Ako’y naging bahagi ng grupong inatasang manggiba ng mga tahanan malapit sa kalsada, para sa pagpapalawak ng daanan. Sisira kami ng buhay ng mga mamayan upang pabutihin ang buhay ng mamayanan. Napakalaking ironiya.

Maaliwalas ang araw. Mainit. Madumi. Maingay. Naghihintay sa amin ang mga tao, wari’y lalaban hanggang kamatayan mabigyan lang ng armas. Tinitigan namin sila, tinitigan din nila kami. Ang iba sa mga kasamahan ko’y kakikitaan ng kaba at paghahanda sa mukha. Kung magkaroon man ng away, hindi ito ang una, at hindi rin ang magiging huli. Magaway man kung magaway, ginagawa lang namin ang aming trabaho, para sa aming sari-sariling mga pamilya. Trabaho para sa trabaho, buhay para sa buhay.

“Nakuha niyo ang aming notice noong lunes pa! Gagawin na namin ang aming trabaho kahit na nandito pa kayo! Tumabi na kayo at walang kailangang madisgrasya!” panawagan ng hepe sa mga taong nagmistulang gumagalaw na barikada.

“Alam niyo ang aming sagot! Buhay namin ito! Wala kayong karapatang manira ng buhay!” sagot naman ng puno ng mga residente. Nakaukit sa kanilang mga mukha ang itsura ng isang hayop na wari’y nasa paanan ng kamatayan. Nakaratay na ngunit tumatahol parin sa huling hininga.

“Alam niyo na ang gagawin niyo. Tara na, sulong!” ani hepe. Lumusong kami. Lumusong sila. Ngumiti ang demonyo.

Maaliwalas ang hapon. Mainit. Maingay. Masakit. Wala nga silang mga baril, ngunit marunong silang manipa, manuntok at manghampas ng kung anu-anong bagay. Sumiklab ang away. Lahat ng mga taong ito’y lumalaban para sa kanilang kabuhayan. Lalaki, Babae, bata, matanda. Lahat sila nilalabanan kaming awtoridad kahit alam nilang maaari silang makulong. Lahat sila balakid sa aking trabaho. Lahat sila’y pinipigilan akong magsikap para sa pamilya.

Nakisuntok din ako, nakihampas at nakitulak. Di nagtagal naging isa-isa ang labanan, isa samin at isa sa kanila. Tumakbo ako palayo at tumungo na sa mga barung-barong. Maninira na ako habang walang nakakakita. Ang iba kong kasamahan ay pumipilas na rin sa grupo at gumagaya sa akin. Natatalo na ang mga tao .

Nagtatangal ako ng yero sa isang silong ng bigla akong nakaramdam ng matinding sakit sa aking likuran. Wari’y nahampas ako ng isang plywood. Hinarap ko ang aking katunggali at sa harap ko’y isang batang lalaki, sampu o dalawampung-taong gulang, ngunit sa mata niya ang lumalagablab na damdamin ng mga mas may edad. Tinangka niyang hampasin ako muli, ngunit nasalo ko ang kahoy, naagaw at hinagis sa malayo. Napadapa ang bata. Tumayo siya at sinubukan akong suntukin, ngunit mas malakas ako. Napahiga siya. Tinitigan ko siya at tinanong, “Bakit ka pa lumalaban totoy? Talo na kayo. Umalis na lang kayo dito. Hindi mo kinabukasan ang kulungan.”

“Ano ang pakialam mo sa aking kinabukasan?! Buhay nga lang namin ngayon sinisira niyo. Kayo’y mga walang puso! Basta manira na lang! walang pakialam kung tao o hindi, bsta bahala na!” sinubukan niya muli akong sapakin, ngunit nasalo ko ang kanyang kamay at hinigpitan ang aking kapit.

“Trabaho lang ito bata. Huwag mo na personalin. Bata ka lang.” banayad ang aking boses. Bata lang naman siya. Di kailangan piliting umintindi, di tulad ng mga mas matanda.

“Paano ko hindi pepersonalin itong ginagawa niyo? Lahat ng mga pinagpaguran ni itay, lahat ng sakripisyo ni inay, wala sa inyo yun, yung mga ginagawa namin para makakain, para tumawa, para mabuhay, wala sa inyo yun! Basta sisirain niyo na lang!” kahit anong hila ng bata ay hindi siya makaalis sa higpit ng aking kamay.

“Bata, trabaho ko lang ito.” Tumataas na rin ang tono ko. “Bakit, sa tingin mo ba wala rin akong pamilya?! Ginagawa ko it para mabuhay rin sila! Ito ay para sa kanilang pagkain, para sa kanilang buhay! At kayo ang pumipigil sa akin para magawa ko iyon!”

Tinitigan ako ng bata. Makikita doon ang hindi pagkaintindi at kalungkutan. “Eh tatay ka rin pala eh, kung ang pamilya mo ang tatanggalan mo ng bahay, anong gagawin mo? Kung ang tatay mo ay sinsaktan, pinahihirapan tapos sisirain pa ng mga pulis ang inyong bahay, ano mararamdaman mo? Wala kaming ginagawa sa inyo! Pero nandito parin kayo, sisirain ang mga bahay at tirahan ng mga taong nananahimik!”

Pumatak ang luha ng bata. Lumuwang ng kaunti ang aking kapit ng aking kamay. Nawala bigla sa isip ko ang trabaho. Naisip ko ang ang aking asawa, sa oras na ito’y naglalaba siya kina Bb. Baltido. Naisip ko ang aking anak, nasa ikatlong baitang ngayon, nasa paaralan siya. Di ko namalayan nakatakas sa aking hawak ang bata at sinigaw sa akin. “Bakit niyo ito ginagawa?! Bakit kayo pumapatay ng mga maybuhay? Hindi tama yan! Kahit anong sabihin mo, hindi parin tama ang manira ng pangarap, ng tahanan at buhay! Tao lang din kami katulad niyo!”. Lantarang umiiyak na ang bata habang nagsasalita, tila lahat ng sama ng loob ay nasa bawat salita, at bawat pait ay nasa luha.

Ano ba ang aking magagawa? Trabaho k oito, kung hindi k oito gawin, magdurusa ang pamilya ko….Lumabo ang aking paningin, siguro’y dahil mamasa-masa na ang aking mga mata, ngunit nakita ko pa rin ang bata, ngayo’y lumapit sakin para ako’y muling suntukin. Di ko na siya pinigilan, di ko na rin masyado maramdaman ang kanyang mga suntok. Di ko namalayan, napaupo ako sa lupa dahil nasuntok niya ako ng malakas sa panga. Mapait ang lasa ng dugo. Masakit marinig ang katotohanan. Walang lohiko o batas ang makapapantay sa payak na tama at mali ng isang bata., at dahil doo’y hinalo na natin ang mali sa tama.

“Hoy bata! Walang kwentang paslit! Ito para sayo!”

Narinig ko ang tunog ng kahoy sa buto. Natapos ang aking pagmumuni-muni. Nakita ko si Marcus, isang kasamahan, na may hawak na piraso ng kahoy na wari’y galing sa isang barung-barung.

“Manuel, ayos ka lang? Anong ginagawa mo diyan, nagpapabugbog sa bata?”

“Bata?” lumingon ako. Sa likod ni Marcus, nakabulagta ang bata. Natuliro ang aking isipan. Hindi ko sinagot si Marcus. Tumayo ako at nakita ang kahihinatnan ng lahat. Nagkalat na ang mga tao. Marami sa kanila’y hinuli at pinosasan na, yung iba dinadala sa mga ambulansyang nagsidatingan. Tinignan ko ulit yung bata. Hindi pa rin nawala ang laban sa kanyang kalahating pikit na mga mata.

“Manuel, ayos ka lang? Huwag mo na pansinin yan, dadalhin na lang iyan sa ambulansya. Halika na.”

Hindi parin ako gumalaw sa aking kinatatayuan. Bigla akong nagkaroon ng damdamin ng pagluksa at pagsisisi. Ayaw ko na ang ganitong buhay. Hindi ako magnanakaw ng buhay.

“Hoy, Manuel! Ssan ka pupunta?” tanong ni Marcus. Sinundan niya ang aking paglalakad.

Tinitigan ko siya.. “Uuwi na ako.”.


No comments: