Sunday, July 29, 2007

I just felt like posting this...it's a short story I made :) can you find the symbolisms?

p.s. Gino, if you read this, note that the names were borrowed from the people you know, but they aren't really the ones in the story...not unless you want to imagine 'ol Aaron snogging Benjomin...hehe



Tinamaan Ako ng Shuttle Cock sa Mata

Ni: Geronimo Martinez

Sa murang edad nahilig na ako sa badminton. Dahil dito’y sumali ako sa isang badminton training camp na gaganapin sa Las Pinas Badminton Centre o LPBC kung tawagin. Hindi naman ito problema sa aking mga magulang dahil ang alam nilang rason kung bakit ko gusto mag-ensayo ay sa nais kong gumaling sa naturang isport at para lumakas ang aking katawan. Ang hindi nila alam ay may mas makasarili akong dahilan. Sa paaralan kasi namin, kung magaling ka sa isports, may karapatan kang magyabang. Walang sinumang maaaring gumalaw sa iyo. Ang mga magagaling sa isports samin ay hinahangaan. Kung magaling rin ako, baka pwede ko sila maging barkada at hahangaan din ako ng mga tao.... Iyan ang nais ko noon.

Diyan sa may BF matatagpuan ang LPBC. Dito ko nakilala sina Benjomin at Aaron. Sila, kasama pa ng mga batang samu’t-sari ang edad at kagalingan ang sumali sa pag-eensayo na pinamumunuan ni Coach Tums Gabuelo.

Umaaligid ang pagiging tensionado sa hangin nang unang araw namin sa court. Ano nga ba ang iyong madadatnan kung pinagsama ang mga batang hindi magkakilala? Nahihiya pa ang iba sa amin, samantalang ang ibang magkaibigan na’y nagsisikwentuhan, hindi nagbibigay pansin sa mga di pamilyar na mukha. Natatangi dito ang dalawang lalaking nalaman kong nagngangalang Aaron at Benjomin. Lantad na matalik silang magkaibigan, sa kilos pa lang nila at pananalita. Kahit mayroon din naman doong mga magkakaibigan na sumali, nakakaagaw-pansin talaga ang magkaibigang Aaron at Benjomin. Alam ko sa kaloob-looban ko, mayroon sa kanila ang hindi mo mahahalaw sa mga iba pang magkakaibigan doon. Hindi ko alam kung bakit, ngunit saisip ko, kahit sino naman ay mahahalata na malapit ang puso nila sa isa’t isa. Kulang nalang ang tawagin ko silang magkapatid. O di kaya’y nababakla na sila sa isa’t isa. Hindi ko itatanggi na may itsura si Benjomin at guwapo si Aaron, pero pareho silang lalaki! Bakit ba ako nag-iisip ng ganito sa kanila? Buti na lang wala ditong marunong bumasa ng isip.

Oras na para magsimula. Kaming lahat ay bumuo ng dalawang pila, para magawa ng maayos ang warm-up. Nakitabi nalang ako sa kung sino. Wala pa naman akong kakilala sa grupo, pero nais ko sana tumabi malapit kina Aaron dahil gusto ko silang pagmasdan. Di ko alam kung bakit, siguro’y nagtataka lang talaga ako sa kanilang pagsasama.

Sinusundan namin ang galaw ng katawan ng aming pinuno sa warm-up. Bagamat dumadanak na ang pawis sa aking pilik mata, nasulyapan ko parin si Benjomin, nakamasid kay Aaron, na nakangiti parang batang anghel sa kanyang kaibigan.

Binigyan kami ng ilang minutong pahinga pagkatapos ng ehersisyo. Sa aking pagmamasid, nabuo ang pananaw ko na maaari kong pakisamahan sina Aaron, dahil mukhang mabait naman sila at wari’y madaling pakisamahan. Ngunit napasyahan ko lamang ito dahil wala na akong ibang malapitan, kahit sa isip ko’y hindi ganoong kagaling at tanyag ang dalawang lalaki.

Bakit nga ba walang walang masyadong pumapansin sa kanila? Kundi man sila mapansin dahil sa pagkaguwapo, siguro nama’y mapapansin sila sa kanilang pagkilos na parang bading. Ako lang ba ang nakakakita? Lumingon-lingun ako. Sa di kalayuan, may tatlong lalaking kasama namin sa training ang tumatawa habang nakatingin kina Benjomin. Sila yung mga mayabang at maangas sa grupo. Kung napapansin nila sina Benjomin, ibig bang sabihin na katulad ako nila? Hindi...hindi...alam kong hindi ako ganyan, hindi ako kauri nila, mas mataas naman ako sa lebel nila...

Nagsimula muli ang training. Napuno ako ng pawis, bawat yapak, bawat kumpas at hataw, nakakapagod. Ang hirap. Maykakayahan na ako sa badminton bago ako sumali sa ensayong ito, ngunit mas mahirap dito. Pero kailangang mag pursige ako, para gumaling, para makilala ako ng mg tao, para maging katulad ako ng mga personalidad sa amin, tanyag, sikat, nirerespeto- “AAH, SH...” aray ko...ang sakit pala tamaan ng sariling raketa sa ulo...

Sumipol ulit si coach Tums. Break ulit namin. Malapit sa akin sina Aaron at dahil ayaw kong maiwang walang kausap, ako na ang unang nagpakilala sa kanila.

“Kamusta Tophy? Ako si Aaron, at ito naman si Benjomin ang aking matalik na kaibigan.” pakilala ni Aaron.

“Uh, bakit tinawag mo akong Tophy?” sambit ko. Hindi ko alam kung ako’y maiinsulto o hindi sa kanyang pag-iba sa pangalan kong Christopher.

“Mas cute kasi pakinggan eh, kasing cute mo, hehe” ang balik ni Aaron. Sinisigaw ng isip ko na “napakabakla naman ng taong ito!”, ngunit sa akin na lamang iyon.

Nakita siguro ni Aaron ang bahagyang pamumula ng aking pisngi, pagkunat ng aking noo’t pagtaas ng kilay, dahil napatigil siya sa pagsasalita.

“Haha, tara Tophy, maglaro muna tayo.” imbita ni Benjomin. Sa pagkakataong ito iniimbita na pala nila ako maging kaibigan.

“Sige, palo muna tayo”, aking tugon, at iyon na rin siguro ang nagsilbing pagtanggap ko ng kanilang imbitasyon.

Pumunta si Aaron sa kabilang panig ng court at nanatili si Benjomin sa aking tabi; marahil ito’y pagpapakita ng magandang loob, pero sigaw ng isip ko’y inaakala nila akong mahina. Sa aming balikan ng tira, batid na sa akin na magaling pala silang dalawa. Siguro’y nabahala ako sa kanilang galing, dahil pumalya ang tira ko at naiwang bukas ang aking mukha sa atake.

“AARGH!”.

“ Tophy?! Ayos ka lang?” si Benjomin siguro yun, di ko alam; nakapikit kasi ang aking mga mata.

“Sori Tophi! Sori talaga!” pagmamakaawa ng boses ni Aaron.

“Ayos lang...okey lang ako.”, aking tugon habang tinatakpan ko ang aking mata, at bumangon ako muli. Tinawag na kami ni coach Tums; training na ulit. Siguro kasalanan ko na rin kung bakit ako tinamaan, minaliit ko kasi sila. Hindi naman ako nagalit sa kanila. Sa halip, doon nabuo ang aming pagkakaibigan; pinakita nila sa akin na may pagmamalasakit sila, at dahil doo’y nakuha nila ang aking tiwala.

Sa mga sumunod na training, kaming tatlo na ang laging magkasama. Nang tumagal, nasanay na ako sa aking bagong katawagan bilang “Tophy” at tinuring ko na silang tunay na kaibigan. Hindi kumpleto ang bawat training kung hindi ko sila makakasama, kaming tatlo na ang magkakatabi parati, magkapartner, at sa lahat ng gawain ay nagtutulungan. Minsan nga’y mas nasasabik akong makasama muli sina Benjomin at Aaron kaysa magtraining kapag na sa court na ako, ngunit tinatago ko na lang ito sa aking isipan tuwing iyon ang aking nararamdaman. Totoo, hindi sila ang karaniwang tipo ng kaibigan na meron ako, dahil madalas silang isip-bata at wirdo. Pero nang nakilala ko na sila, nalaman ko na ayos lang pala itong dalawang ito.

Isang araw maaga akong dumating sa court. Akala ko wala pa noong tao. Kinailangan ko noong gumamit ng CR. Paglapit ko sa pinto, may narinig akong mga boses.

“..Benjomin...” boses ni Aaron iyon, ngunit tila malumanay at malambot. Bakit kaya siya nagsasalita ng ganito?

“Masaya ako’t kaibigan na rin natin si Tophy” si Benjomin naman iyon. “Oo nga, mabait siya, cute pa haha, dumating na kaya siya? Gusto kong maglaro na tayong tatlo...”.

Sa pagkarinig ko ng aking pangalan pinasok ko ang CR. Doon nakita kong magkayakap sina Benjomin at Aaron, magdidikit na sana ang ulo nang biglang tinignan ako ng may takot sa mukha. Tinitigan ko rin sila, at nagmamadaling lumabas sa pintuan. Lumayo ako doon, at napaupo nalang sa isang bangko, haban tuliro parin ang aking isip. Paano ko kaya nagawang kaibiganin ang dalawang baklang iyon? Dati ko na silang hinalaan pero nagtiwala parin ako sa kanila. Ano kaya ang sasabihin ng mga tao kapag nalaman nilang kaibigan ako ng dalawang bakla?

Ilang minuto’y nahanap rin ako ni Aaron at umupo sa aking tabi. Siya ang unang nagsalita. “Tophy, huwag sana mag-iba ang pagtingin mo samin. Mahal lang talaga namin ang isa’t isa.”

“Bakla kayo...mga bading...tapos kinaibigan ko kayo. Napaka bobo ko naman para lumapit sa inyo...” aking tugon.

“Kung bakla kami ibig ba sabihin na hindi kami tao? Nagsasalita ka na parang hindi karapat dapat tawaging tao ang mga bakla. Tsaka, hindi ko naman kailangan maging bakla upang mahalin ang aking kaibigan. Ganoon lang talaga kami magpakita ng pagmamahal.”

Wala akong nasabi doon, at nanahimik nalang, kahit alam ko, sa kaloob-looban ko, may bahaging sumasangayon.

Nagpatuloy si Aaron, “Napagaya ka na siguro sa iniisip ng nakararami. Kung iba ka sa kanila, maiiwan ka, magiging walang kwenta. Hindi mo naman kailangang maniwala katulad nila para magkaroon ng kwenta.... Hindi naman masama ipakita kung paano ka magmahal, pagmamahal na rin naman ang binibigay mo sa kaibigan diba? Kaya mo nga siya kasama, kausap at kalaro...dahil mahal mo siya. Mas lantad lang siguro sa amin ni Benjomin dahil pinagtibay na ng panahon. Hindi naman namin ikaw pipilitin makisama sa amin ng ganoon Tophy. Kaibigan ka pa rin namin at mahal ka rin namin, pero rerespetuhin namin kung paano ang gusto mong pakikitungo sa amin. Hindi kami bakla dahil nagyakap kami, hindi ka magiging bakla dahil kaibigan mo kami.”

Dumating na rin sa aking tabi si Benjomin. Nagpalitan sila ng tingin ni Aaron at saka ipinagpatuloy ang usapan. “Tophy, walang kailangan magbago...magkaibigan parin tayo, mahal ka pa rin namin. Sana ganoon din ang saloobin mo.” aniya.

Tahimik parin ako pero sinabi na ng namamasa kong mata ang aking tugon. Tumayo ako, at sa pagkakataong ito, si Aaron naman ang nagulat, dahil ako na ang nakayakap sa kanya. “Oo tama kayo, walang kailangang baguhin.” Sabi ng aking namimiyok na boses. Niyakap ko rin si Benjomin “pinamukha niyo sakin, na mahal niyo ako, at ngayon ko lamang natanggap na mahal ko na rin pala kayo. Patawad, sa inyong dalawa. Kaibigan?” “Kaibigan” tugon nila at naramdaman ko ulit ang init ng kanilang mga katawan. Ang init ng pagmamahal.


No comments: